sinampalukang mangyan

By thewordwarlock

Sinampalukang Mangyan

 

Ang kuwentong ito ay hango ay tunay na pangyayari sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro. Sa bayang ito, nakasanayan ng mga katutubong Mangyan ang bumaba sa kapatagan tuwing buwan ng Disyembre upang makipamasko sa mga tao. Ang ilan sa kanila ay nagdadala ng mga orkidyas, luya, mga hinabing banig at duyang yari sa rattan upang ipagbenta sa palengke. Ang karamihan naman ay nagtutungo sa mga simbahan at iba pang mataong lugar upang mamalimos at humingi ng papasko tulad ng pera, pagkain, mga lumang damit at iba pa..

 

Taong 1997, sinalanta ng El Niño ang buong Pilipinas at ang matinding tagtuyot ay naging dahilan upang bumaba ang produksyon ng bigas sa maraming nagsasakang rehiyon. Ang bayan ng Naujan ay isa sa mga tinamaan ng tag-gutom ng taong iyon. Walang pera ang mga tao sapagkat pagsasaka ang pangunahing kabuhayan ng bayan. Maging ang pag-aalaga ng hayop tulad ng baka at kabayo ay naapektuhan.

 

Disyembre ng 1997 nang muling bumaba sa kapatagan ang mga katutubong Mangyan subalit walang paskong naghihintay sa kanila. Nagtitipid ang karamihan ng tao sa Naujan kung kaya’t bihirang maabutan ng pera, pagkain o iba pang tulong ang mga katutubo.

 

Si Mang Jun Masangkay ay isang kawani sa munisipyo ng Naujan. Sa tabi ng kanyang bakuran ay may isang bakanteng lote na natatamnan ng mga puno ng sampalok. Sa lilim ng mga punong ito ay pinili ng isang mag-asawang Mangyan na pansamantalang manirahan habang sila ay namamalimos sa bayan.

 

Magiliw naman si Mang Jun sa mga katutubo subalit hindi niya magawang maabutan man lang ng pagkain o konting salapi ang mag-asawang Mangyan sapagkat siya man ay nagtitipid rin. Tanging mga lumang damit at kumot na panlaban sa ginaw ang kanyang naibigay.

 

“Paumanhin na muna ha, wala akong pera ngayon at taghirap ang lahat. Eto lamang mga pinaglumaang damit ang maibibigay ko sa inyo,” wika ni Mang Jun sa mag-asawang Mangyan.

 

Napansin niyang namumutla na rin sa matinding gutom ang mag-asawa sapagkat mahigit isang linggo na ring naglilibot ang mga ito sa bayan at nanghihingi ng mga pamasko subalit wala halos natatanggap anuman. Higit pang naantig ang damdamin niya ng mapansing may dalang sanggol ang mag-asawa.

 

“Aba’y ilang buwan na ho ba ang sanggol na iyan?” naitanong ni Mang Jun sa dalawa.

 

“Mag-aapat na manong, eto nga at nagkasakit na, konti lamang ang gatas ng kanyang inang.” Ang impit na sagot ng lalakeng Mangyan na halatang nahihirapang mag-Tagalog.

 

“Eh hindi ho kasi kumakain ng ayos kaya konti lamang ang gatas na kayang ipasuso ng asawa ninyo. Bakit ho kasi hindi pa kayo bumalik ng bundok at baka doon ay mas maganda ang buhay kesa dito?” muling tanong ni Mang Jun.

 

“Wala din pagkain doon ngayon, hindi tumutubo ang mga kamote sa kaingin. Isa pa’y maraming sundalo ngayon sa bundok kaya dito muna kami sa patag,” pagtatapat ng Mangyan na halatang takot sa mga sundalo.

 

Lumipas ang isang linggo at nalalapit na rin ang Pasko. Hindi pa rin umaalis ang mga Mangyan sa bayan at maging ang mag-asawang Mangyan na nakausap ni Mang Jun ay doon pa rin nakatira sa bakanteng lote sa lilim ng mga puno ng sampalok.

 

“Tsk, tsk, tsk, nakakaawa naman ang mag-asawang ito. May dala pa namang sanggol. Magkakasakit ang bata kapag hindi agad sila natulungan,” naibulong ni Mang Jun sa sarili minsang mapansin niyang namumulot ng mga nalaglag na bunga  ng sampalok ang mag-asawa upang kainin.

 

Kahit gipit din sa pera ay minabuti niyang mag-abot na rin sa mag-asawa ng isang kalderong kanin at dalawang nilagang itlog upang may makain ang mga ito. Galak na galak naman ang dalawa sa kanyang pagmamagandang-loob. Masaya man si Mang Jun sapagkat nakatulong, patuloy pa rin siyang nalulungkot dahil sa kawalang-katiyakan  ng buhay ng mag-asawa.

 

Matuling lumipas ang mga araw, sumapit din ang ika-dalawampu’t apat ng Disyembre. Kinabukasan na ang araw na pinakahihintay ng lahat at kadalasan ay abala na ang mga tao sa pagluluto sa araw na iyon. Subalit sa bayan ng Naujan ay matamlay ang araw at wala halos mapapansing naghahanda para sa pagdiriwang. Damang-dama ang kahirapan sa paligid. Maging si Mang Jun ay hindi na naisipan pang magluto ng espesyal na pagkain sapagkat hindi pa dumadating ang kanyang sweldo.

 

Nakaupo si Mang Jun sa loob ng kanyang bahay ng marinig niyang may tumatawag sa kanya mula sa labas. Nang kanyang dungawin ay tumambad sa kanya ang mag-asawang Mangyan.  Halatang gutom na gutom ang dalawa at mapapansin na higit pang nangayayat ang kanilang mga katawan. Impis ang mukha ng lalake at lalo pang nagmukhang matanda sa kanyang edad. Ang babae naman ay nanginginig ang kamay habang yakap ang alagang sanggol, malalim na rin ang mga mata nito at tila nawalan na ng kulay. Ang sanggol naman ay walang patid sa pag-iyak, marahil ay bunga ng gutom na dinaranas.

 

“Ano ho ang kailangan nila?” tanong ni Mang Jun sa mag-asawa.

 

“ Ay manong, maaari bagang mahiram muna ang iyong kaserola. Kami lamang ay magluluto ng pagkain.” Sagot ng lalakeng Mangyan.

 

Napangiti naman si Mang Jun sa hiniling ng katutubo. “Sige ho, pakihintay lang. Mabuti naman at may makakain kayo ngayong Pasko.”

 

Hindi naman sumagot ang mag-asawa at sa tingin ni Mang Jun ay lalo pang lumamlam ang mata ng dalawa ng mabanggit niya ang salitang pagkain.

 

“Eto ho, maligayang Pasko sa inyong dalawa,” nakangiting iniabot ni Mang Jun ang kaserola.

 

Kinabukasan ay araw ng Pasko. Maraming tao ang nagtungo sa simbahan upang magsimba. Ang mga katutubong Mangyan naman ay nag-aabang sa labas ng simbahan upang mamalimos at mamasko sa mga dumaraang tao.

 

Si Mang Jun ay kakatapos lamang magsimba, pauwi na siya nang mapadaan sa bakanteng lote sa tabi ng kanyang bahay. Doon ay nakita niya ang kaserola na hiniram ng mag-asawang Mangyan noong nakaraang araw.

 

“Wala ang mag-asawa, baka nagpunta ng simbahan para mamalimos,” naibulong niya.

 

“Naku, iniwan na ang kaserola dito, baka mapulot pa ng iba at nakawin. Mabuti pa ay iuwi ko na lamang, hindi na naman yata nila gagamitin.”

 

Pinulot ni Mang Jun ang kaserola nang mapansing mabigat pa ito at may laman sa loob.

 

“Aba, may laman pa. Ano kaya ang iniluto ng mag-asawang Mangyan kagabi?”

 

 Tinanggal niya ang takip upang tingnan ang loob ng kaserola subalit hindi niya inaasahan ang kanyang nakita. Namutla at pinagpawisan ng malamig ang buong katawan ni Mang Jun. Sa kaserola ay lumulutang sa pinakuluang tubig ang braso ng isang sanggol.

 

“Diyos ko! Iniluto ng mag-asawang Mangyan ang sarili nilang anak! Ang sanggol ang kanilang kinain!”

 

Kulubot pa ang balat ng braso habang palutang-lutang ito sa loob ng kaserola. Kasama ng braso ang ilang piraso ng daliri ng bata at ilang piraso ng laman.  Nilahukan pa ito ng mga bunga ng sampalok bilang pampalasa.

 

Hindi nakayanan ni Mang Jun ang kanyang nakita. Bumaligtad ang kanyang sikmura at naitapon niya ang hawak na kaserola. Agad siyang tumakbo sa isang malapit na presinto upang magsumbong sa mga pulis.

 

Nang araw ding iyon ay dinakip ng mga pulis ang mag-asawang Mangyan. Nagkagulo ang buong bayan ng Naujan at halos lahat ay gustong maki-usyoso sa nangyari. Napailing na lamang si Mang Jun.

 

“Kung kelan pa nakakulong na ang dalawang Mangyan tsaka ninyo sila pagkakaguluhan, samantalang noong nangangailangan sila ng tulong ay hindi nyo man lang sila pinansin,” naibulong niya sa sarili habang pinapanood ang mga nakiki-usyosong mga tao. Bagamat nagigimbal pa rin sa kanyang natuklasan, nakakaramdam pa rin ng awa si Mang Jun sa mag-asawang Mangyan sapagkat alam niya ang pinagdaanang hirap at gutom ng dalawa.

 

Nang tanungin ng mga pulis, humagulhol ng iyak ang lalakeng Mangyan.

 

“Mamatay din lang naman manong ang anak namin sa gutom, kaya namin iyon nagawa. Naaawa na rin kami sa paghihirap niya.  Siya na lamang ang iniluto namin at baka mailigtas pa namin ang aming  sarili dahil kami po ay isang linggo nang hindi kumakain,” pagtatapat ng Mangyan sa pagitan ng mga paghikbi.

 

Magpahanggang-ngayon ay nakakulong pa rin sa bayan ng Naujan ang mag-asawang Mangyan. Nakalimutan na ng ilan ang kuwentong ito subalit para kay Mang Jun, ang nangyari ay isang aral ng pakikipagkapwa. Ngayon ay naniniwala siyang kailangang tulungan ang sinumang nangangailangan ano man ang katayuan sa buhay o gaano man kabigat ang pagtulong na gagawin.

 

                                                            Wakas

Mga Marka: , ,

Mag-iwan ng Tugon