neophyte

Marso 26, 2008

Neophyte

 

Alas-siyete ng gabi, apat na van ang bumabagtas ng isang highway patungong Batangas.  Lumiko ang mga sasakyan sa isang liblib na pook at huminto sa tapat ng isang malaki at abandonadong bahay.

 

Bumababa mula sa mga sasakyan ang mahigit tatlumpong kalakakihan kabilang ang isang binatang nagngangalang Jericho. Sa lumang bahay na iyon ay gaganapin ang isang initiation o hazing ng isang fraternity at si Jericho ang neophyte na sasailalim sa pagsubok.

 

First year college si Jericho sa isang sikat na unibersidad. Dalawang araw na ang nakalilipas nang nakatanggap siya ng imbitasyon na sumali sa pinakamalaking fraternity sa unibersidad, ang Upsilon Phi Beta Fraternity. Masasabi namang malakas ang loob ni Jericho kung kaya’t pinaunlakan niya ang imbitasyon. Kilala ang Upsilon Phi Beta sapagkat madalas itong masangkot sa mga rambol at gulo laban sa iba pang mga fraternity sa pamantasan.

 

Sa gabing iyon ay pagdadaanan ni Jericho ang pinakamahirap na pagsubok ng kanyang buhay, ang frat initiation kung saan isasailalim siya sa matinding pisikal at mental na pagpapahirap sa loob ng tatlong gabi. Kapag nalampasan niya ito ay ganap na siyang miyembro ng frat.

 

“Anong pangalan mo?” tanong ng isang boses kay Jericho nang makapasok na sila sa loob ng bahay.

 

“Jericho delos Reyes ang pangalan ko Master,” sagot ni jericho sa hindi nakikitang fratman. Nakatungo ang ulo ni Jericho at pinagbawalan siyang tingnan sa mukha ang mga fratmen sa paligid. Tanging mga sapatos lamang nila ang kanyang nakikita.

 

Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ni Jericho, at sinundan pa ito ng sunod-sunod na mga suntok sa kanyang balikat. Nagulat agad ang neophyte at siya’y napaluhod.

 

“Gago ka! Bakit ka lumuhod?! Inutusan ka ba naming lumuhod, ha?!!!” sigaw ng isang boses sabay hila sa kanyang t-shirt na halos ikapunit nito.

 

Nagmamadaling tumayo si Jericho subalit isang tadyak ang tumama sa kanyang dibdib na kanyang ikinabuwal. Nakarinig siya ng mga halakhak sa paligid at mga panunudyo na siya ay lampa. Hindi pa siya nakakabawi ay sunod-sunod na sipa at suntok na ang tumama sa kanyang katawan.

 

Pagod na pagod na si Jericho at masakit na ang kanyang katawan ng tumigil ang mga suntok at sipang dumadapo sa kanya. Isang fratman ang nag-utos na tumayo siya. Agad naman niya itong sinunod subalit kinabahan siya sa nakita. Bitbit ng fratman na iyon ang isang kahoy na paddle.

 

“Tumalikod ka at huwag na huwag kang sisigaw kapag tinamaan ka ng paddle. Kapag may narinig akong kahit impit mula sa iyo, masasaktan ka sakin!” banta nito.

 

Ganoon nga ng ginawa ni Jericho at ilang saglit pa ay naramdaman niya ang paghagupit ng paddle sa likuran ng kanyang hita. Halos sumabog ang luha sa mata ni Jericho dahil sa sakit na naramdaman subalit kahit isang impit o daing ay pinigilan nyang mamutawi sa kanyang bibig.  Sampung beses pang dumapo sa kanyang hita ang paddle at pakiramdam niya ay namamanhid ang kanyang buong katawan.

 

“Kaya mo pa ba neophyte?” tanong ng isang boses sa kanya.

 

“Kaya ko pa Master,” sagot ni Jericho habang hinahabol ang hininga dahil sa sakit na nararamdaman.

 

Isang basong tubig ang iniabot sa kanya upang kanyang inumin at pagkatapos ay sinimulan na naman siyang saktan.

 

“Alam mo ba kung bakit namin ginagawa itong hazing, neophyte?” tanong ng isa

 

“Master hindi ko po alam,” sagot ng nalilitong si Jericho.

 

Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ni Jericho na halos ikabingi ng kanyang tenga. “Bobo! Bakit hindi mo alam? Sumasali ka dito, hindi mo pala alam kung anong pinapasok mo,” sigaw sa kanya ng isang fratman sabay unday ng suntok sa kanyang sikmura.

 

“Paano ka namin tatanggapin bilang brod Kung hindi mo pagdadaanan ang initiation? Kung hindi mo paghihirapan ang pagpasok dito? Becoming an Upsilon Phi Betan is not for free, you should earn it!” Sabad ng isa pang boses.

 

Kahit nahihirapan ay pilit tinandaan ni Jericho kung anuman ang natutunan niya ng gabing iyon. Pagpatak ng hatinggabi, huminto na ang hazing, naghanda na sa pag-alis ang mga fratmen pabalik ng Maynila.

 

“Nalampasan ko ang unang gabi ng hazing, dalawang gabi na lang,” usal ni Jericho sa sarili, na nakahinga ng maluwag nang matapos na ang panggugulpi sa kanya.

 

“Neophyte! You will stay here in this abandoned house for tonight! Hindi ka aalis dito hanggang hindi mo natatapos ang tatlong gabi ng hazing. Iiwanan ka namin ng tubig at pagkain at inaasahan naming nandito ka pa rin bukas ng gabi pagbalik namin, do you understand?!” sigaw ng isang fratmen kay Jericho. Wala na siyang ibang magawa kundi ang sumang-ayon.

   

                                                              ******

 

Ala-una ng madaling araw, mag-isang nakahiga sa isang sirang sofa si Jericho sa loob ng abandonadong bahay. Kapag dumudungaw siya sa bintana ay wala siyang ibang matanaw kundi isang makipot na kalsada at matataas na talahib.

 

Mahina man at kumikirot ang katawan ay gising naman ang diwa ni Jericho. Sa totoo ay natatakot siyang maiwan sa bahay na iyon subalit nilakasan na lamang ang loob upang malampasan ang hazing. Nagmumuni-muni ang kanyang isip nang may mapansin siyang kakaiba. May mga mga sigaw at halakhak na nanggagaling sa loob ng bahay. Bumilis ang tibok ng kanyang puso, agad na pumasok sa isip niya ang mga kuwentong katatakutan na naririnig noong siya ay bata pa.

 

Tinakpan ni Jericho ang kanyang tenga upang hindi marinig ang mga ingay subalit papalakas pang lalo ang mga ito. At sa gitna ng mga halakhak at sigaw, nakarinig siya ng mga paimpit na daing at pagmamakaawa. Natatakot man ay napabalikwas si Jericho at tumayo, kelangan niyang tulungan kung sino man ang nagmamakaawang iyon.

 

Sinundan niya ang ingay hanggang makarating siya sa isang basement na naiilawan ng kandila. Nagulat siya, may mga anino ng tao sa basement.

 

“Anong nangyayari? Bakit may mga tao dito, at anong ginagawa nila?” bulong ni Jericho sa sarili.

 

Sumilip sa loob si Jericho at kinabahan siya sa nakita. Mahigit tatlumpong kalalakihan ang  nakapaligid sa isa pang lalake at tulong-tulong nila itong pinagbubuhatan ng kamay na tila ba isang hayop. Nagmamakaawa ang lalake at sumisigaw ng ‘ayaw ko na’ subalit lalo lamang itong sinasaktan.

 

“Hazing! Hazing ito! Kagaya ng ginawa sa akin kanina! Pero papaanong nangyari iyon, umalis na lahat ng miyembro ng fraternity?” nalilitong tanong ni Jericho sa sarili.

 

Pagkuwa’y huminto ang hazing at nasaksihan ni Jericho ang dahilan kung bakit. Sa sahig ay nakahandusay ang katawan ng lalakeng neophyte. Putok ang ulo nito at umaagos ang masaganang dugo. Maging ang mga fratmen na nagpahirap sa neophyte ay natakot at nagsimulang ,magsisihan sa isa’t-isa.  Ilang sandali pa ay nagpasya silang itago ang katawan ng neophyte. Sa isang kalawanging dram ay inilagay nila ang duguang bangkay at ang dram ay tinakpan at iniwan nila sa madilim na sulok ng basement.

 

Pigil-hininga si Jericho sa nasaksihan. Subalit ang mga fratmen ay papalabas na ng basement at tiyak na makikita siya ng mga ito. Kumaripas ng takbo si Jericho subalit siya ay nabuwal. Hindi kaya ng kanyang katawan na noon ay namamaga na dahil sa hazing ang pagtakbo. Tamang-tamang patungo na ang mga fratmen kung saan siya nabuwal ng bigla siyang maalimpungatan..

 

“Panaginip lang ang lahat!” humihingal niyang nasambit. “Di ko namalayang nakatulog pala ako.”

 

Nakahinga na sana si Jericho ng maluwag subalit hindi rin iyon nagtagal. Nakarinig siya ng mga katok na nanggagaling sa ilalim ng bahay. Tila ba may mga kamay na bumabayo sa isang piraso ng lata sa kanyang pandinig. Ang basement ang agad na pumasok sa kanyang isip. At tulad ng inaasahan, natagpuan niya ang isang basement sa ilalim ng bahay. Katulad na katulad ito ng basement na kanyang napanaginipan.

 

“May basement nga at dito nanggagaling ang katok. Tama! Ang katok ay nanggagaling sa loob ng dram na nasa isang sulok ng basement!”  Hindi makapaniwala si Jericho. Ang dram na iyon ay kanya ring napanaginipan, at may malalakas na katok na nanggagaling mula sa loob nito.

 

Hindi nag-aksaya ng panahon, binuksan ni Jericho ang dram sa pag-aakalang naroon din ang neophyte sa kanyang panaginip. Maaaring kumakatok ito at humihingi ng tulong upang makalabas. Subalit nagimbal si Jericho ng matanggal niya ang takip ng dram. Sa halip na ang duguang neophtye ang makita ay kalansay ng isang tao ang nandoon. May biyak ang bungo ng kalansay na tila ba mga palo sa ulo ang ikinamatay nito.

 

Ngayon ay naiintindihan na ni Jericho ang lahat. Ang kanyang napanaginipan ay totoong nangyari sa loob ng basement na iyon. At maaaring minulto siya ng pumanaw na neophtye sapagkat humihingi ito ng katarungan. Matagal nang itinatago ng Upsilon Phi Beta fraternity na nakapaslang ito ng isang neophyte habang ginaganap ang isang hazing. Ngayon ay isa ring neophyte sa katauhan ni Jericho ang nakatuklas ng lihim.

“Hindi ko na tatapusin ang hazing, aalis na ako sa lugar na ito habang may panahon pa. Hindi ko na gugustuhin pang sumali sa isang fraternity na pumapatay ng sarili nitong neophyte. Pangako, kung sino ka man, tutulong ako upang magkaroon ng katarungan ang iyong sinapit,” tanging nasabi ni Jericho sa kalansay ng nagmumultong neophyte bago siya tuluyang umalis ng bahay upang magsuplong sa mga awtoridad.

                

                                                            Wakas

Advertisements

bilikin

Marso 26, 2008

Bilikin

Nakasakay sa barkong patungong Negros si Rolly. Sa Maynila na  siya naninirahan mula nang siya’y tumuntong sa kolehiyo subalit ang Negros ang kinalakihan niyang probinsya. Ngayon ay 35-anyos na siya  at sa unang pagkakataon ay bibisitang muli sa kanyang bayan.

Subalit hindi siya bumalik upang magbakasyon o dumalaw sa mga naiwang kamag-anak. Bumalik siya upang iuwi ang bangkay ng matalik na kaibigan at kababatang si Domingo. Sakay ng barko, ibinyahe niya ang ataul na laman ang kaibigan upang doon sa Negros ay tuluyan itong ihimlay.

Nakagugulat para kay Rolly ang balita ng pagkamatay ni Domingo. Walang asawa at nagsosolo sa buhay ang kanyang kaibigan. Ang huli niyang balita ay nakatira ito sa Negros, sa isang malaking mansion na minana sa mga magulang. Kabuhayan nito ang pagiging kolektor ng mga antigong kagamitan, muebles at mga pigura.

Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Rolly kay Domingo, nakatira na ito sa isang apartment sa Cubao. Ng kanyang kumustahin ay mukha itong balisa at tila may pinagtataguan. “Delikado ang buhay ko pare, may gustong pumatay sa akin!” ang pagbubunyag nito.

Ngunit kahit anong pilit, hindi nito sinabi kung sino o ano ang nagtatangka sa kanyang buhay. Maging si Rolly ay natakot para sa kaibigan. Malaki na ang ipinagbago nito, namayat na ang dating malusog na katawan, at malalim na ang dating masiglang mga mata na tila ba hindi ito natutulog. May mga balita rin sa ibang nakakakilala na nababaliw na raw ang kaibigang si Domingo

Di naglaon ay natagpuan ang bangkay ni Domingo sa loob ng tinutuluyang apartment. Hinihinalang inatake ito sa puso o kaya naman ay binangungot habang natutulog. Bilang kaibigan, nagpasya si Rolly na siyang magbyahe sa bangkay ng kaibigan pauwi ng probinsya.

Sa tagal ng paglalakbay, tinamaan ng pagkabagot si Rolly. Sa unang pagkakataon, nagkaroon siya ng interes na basahin ang diary na sinulat ng kaibigang si Domingo. Kasama ang diary sa iilang gamit na naiwan ng kaibigan sa apartment at dinala ni Rolly upang ibalik sa probinsya. Di man ugali ni Rolly ang magbasa ng sulat ng ibang tao ng walang permiso, di rin niya natiis na buklatin ang diary at umasang baka susi ito sa misteryo ng pagpanaw ng kaibigan.

Narito ang laman ng diary:

 Enero 12, 2007 Masaya akong umuwi ngayon sa bahay. Nakita ko ang matagal ko nang hinahanap na antigong estatwa ni Bilikin. Si Bilikin ay isang tikbalang at karakter sa alamat ng mga katutubong Dumagat sa Palawan. Kinatatakutan siya ng mga Dumagat bilang panginoon ng mga malignong naninirahan sa mga kagubatan. Sinasamba din siya ng maraming tribu bago pa dumating ang mga Kastila at iginawa siya ng mga katutubo ng isang estatwa. Ninakaw ng mga mangangaso ang estatwa ni Bilikin at hindi na ito natagpuan sa loob ng mahabang panahon. Kanina ay nakita ko itong ipinagbebenta sa isang isinarang museo kung kaya’t di ako nagdalawang –isip na bilhin ito. Maituturing itong tropeo para sa isang kolektor na kagaya ko. 

Enero 13, 2007

Sadyang kakaiba ang malignong si Bilikin, Di ko alam kung anong uri ng kahoy yari ang estatwa. At kung  ako ang tatanungin, iisipin kong hindi siya nililok mula sa kahoy kundi isang totoong mummy na pinatigas na tulad ng kahoy.           Inilagay ko si Bilikin sa aking living room at napansin kong matangkad siya, halos abot na ang ulo niya sa ikalawang-palapag ng bahay. Itsurang kabayo ang kanyang mukha subalit ang kanyang katawan ay tulad ng sa tao maliban sa mahabang buntot sa kanyang likuran. Nakasuot siya ng bahag at may hawak na tunay na palakol. Kulay itim ang kanyang balat at sa kanyang noo ay may nakatatak na mga letra ng alibata na ang ibig sabihin ay AKO ANG IYONG PANGINOON. Nakamamangha at nakakatakot siyang pagmasdan.  

Enero 14, 2007    

      Malakas ang buhos ng ulan kagabi. Nagsisisi ako at hindi ko agad pinayari ang sira ng aking bubungan. Pinasok tuloy ng tubig-ulan ang loob ng aking bahay. Nabasa rin ang estatwang si Bilikin.          Napansin kong medyo lumambot ang katawan ng estatwa. Marahil ay dahil nababad ito sa tubig kagabi. Bukas ay patutuyuin ko siya sa init ng araw. 

Enero 15, 2007      

    Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan, siguro ay may bagyong paparating. Hindi rin ako nakatulog kagabi. Pakiramdam ko ay may taong nakapasok sa loob ng aking bahay sapagkat may narinig akong naglalakad sa aking living room. Nawala rin ang alaga kong pusa. Hahanapin ko na lang siya mamaya. 

Enero 16, 2007         

 Hindi kapani-paniwala ang isusulat ko ngayon.  Nabuhay si Bilikin!! Nagkaroon ng buhay ang aking estatwa! Pag-uwi ko galing sa trabaho, nakita ko si Bilikin na nakaupo sa isang batya ng tubig at doon ay naliligo. Sinira rin niya ang maraming tubo ng tubig sa aking bahay kung kaya’t bumabaha ng tubig sa aking living room at kusina.           Tiningnan niya ako ng masama at pagkaraan ay sinabing “ Ako ang iyong panginoon, Ikaw ang aking alipin!”          Hindi ko alam kung nababaliw na ako. Ngayon ay nasa kusina si Bilikin at kumakain ng hilaw na karne ng baboy. Siguro ay siya ang dahilan kaya nawawala ang aking alagang pusa. 

Enero 25, 2007     

     Matagal akong di nakapagsulat ng diary. Ngayon lang ako nagkaroon ng panahon na sumulat. Nababaliw na nga yata ako. Kasama kong naninirahan si Bilikin sa aking sariling bahay at ang turing niya sa akin ay isang alipin. Mahilig siyang magbabad sa tubig at di siya pumayag na ipayari ang mga sinira niyang tubo. Ayon sa alamat, si Bilikin ay isang malignong naninirahan sa mga tabing-ilog. Nauubos na rin ang pera ko sa pagbili ng karne na kinakain niya ng hilaw. Kagabi ay pumatay siya ng isang asong kalye upang kainin. Ano ang gagawin ko? Palagi siyang nakasunod saan man ako pumunta. Hindi ko siya matakasan at palagi niyang ipinaaalala na siya ang aking panginoon. Kamatayan daw ang kapalit kung tatalikuran ko siya. 

Enero 27, 2007        

  Ilang araw na akong hindi nakakatulog. Napakamiserable ng buhay ko mula ng dumating si Bilikin dito sa bahay. Kahapon ay nagtangka akong tumakas. Pinuntahan ko ang pinakamalapit kong kapit-bahay upang humingi ng tulong subalit hindi pa ako nakakalayo ay nasundan na ako ni Bilikin. Hindi siya nakikita ng ibang tao. Ako lang ang nakakakita sa kanya. Katakot-takot na pahirap ang ibinigay niya sa akin.Pero hindi ako titigil, lalayo pa rin ako. Pupunta ako ng Maynila kapag may pagkakataon upang hindi na niya ako masundan. 

 Pebrero 5, 2007         

 Narito na ako sa Maynila. Nakahanap ako ng isang apartment sa Cubao. Malayo na ako kay Bilikin subalit pakiramdam ko ay nasa paligid lang siya, pinagmamasdan ako. Pinapasok niya maging ang panaginip ko at ayaw akong patahimikin. Gusto niya akong patayin.. Gusto niya akong patayin… 

Kinilabutan si Rolly sa nabasa. Hindi kapani-paniwala ang mga isinulat ni Domingo tungkol kay Bilikin. Naawa siya sa kaibigan, marahil ay nasisiraan na nga ito ng ulo bago namatay. Marami din ang nagsabing matagal itong nagkulong sa loob ng bahay at hindi nakikipag-usap sa kaninuman.

“Tsk tsk, mahirap talaga ang walang kasama sa buhay, malas lang ng kaibigan ko at hindi ito nakahanap ng mapapangasawa. Kung anu-ano tuloy ang pumasok sa isip dahil walang makausap.” naibulong na lamang niya sa sarili. “

Madaling araw na nang dumating si Rolly sa Negros. Agad siyang tumungo sa tinitirahan ng yumaong kaibigan upang ayusin ito at magpahanda ng burol. Ibinaba ng inarkila niyang dyip ang ataul sa mismong pintuan ng bahay ni Domingo. Pagkaalis ng dyip ay wala nang ibang tao sa paligid sapagkat nasa liblib na pook nakatayo ang Mansion ng kaibigan at malayo sa mga kapitbahay.

Humahanap ng paraan si Rolly na buksan ang pintuan ng bahay ng mapansin niyang may umaagos na tubig mula sa loob. Nagulat siya ng biglang bumukas ang pinto at tumambad sa kanyang harapan ang pigura ng isang taong may ulo ng kabayo — isang tikbalang! Nakahubad ito maliban sa suot na bahag at may mahabang buhok. Matangkad itong tulad nang isang halimaw at sa tantya niya ay nasa pitong talampakan ang taas .

Mabalasik ang tingin sa kanya ng tikbalang na ipinanglambot ng tuhod ni Rolly. Huli na ang lahat para sa kanya. Hinila siya ng tikbalang sa loob ng pintuan at sinabing; “Ako ang iyong panginoon, Ikaw ang aking alipin! Kamatayan ang kapalit ng pagtalikod sa akin!”

                                                            Wakas

death march

Marso 26, 2008

Death March   Siyam na taon na ang nakakaraan ngunit sariwa parin sa isipan ko  ang buong pangyayari. Pangyayaring bumulabog sa buong bayan ng San jose. Hindi lang ako ang nakasaksi sa malagim na kaganapang iyon. ang kwento kong ito ay tunay, ang mga mababasa po ninyo ay walang labis at walang kulang. isinalaysay ko ito upang mabigyan ng magandang kasagutan at ekplinasyon ang misteryong minsan ay bumalot sa aming bayan at babala na din sa kung sinu mang tatamaan ng ganitong uri ng salot.     ako’y isang estudyante sa isang kolehiyo sa maynila, tubong Mindoro. ang pamilya ko sa mindoro ay nakatira sa isang lumang subdibisyon, ito ay ang Capitol Plains Subdivision. malapit kasi kami sa kapitolyo at ito ay nasa taas ng pinatag na bundok kung kaya ganito ang ipinangalan dito. ngunit noong Taong 1993, ang orihinal na pangalan ng subdibisyong ito ay Forest tree. Bakit? Dahil bago pa naging subdibisyon, ang lugar dating makapal na gubat. Sa kasalukuyan, hindi hihigit sa dalawampu ang mga bahay na naka tirik rito, bukod doon ay napaka sukal at magubat pa ng lugar at nasa tabi pa ito ng palayan.    Ang kauna-unahang bahay na itinayo rito ay pag-aari ng isang sundalo na ngayon ay patay na. Doon din mismo sa bahay na iyon naganap ang pagpaslang sa lalaking may ari ng bahay. Taong 1993 nang masundan ang pagpapatayo ng ilang pang kabahayan dito hanggang sa i-develop na ito bilang isang subdibisyon.                             *********     Taong 1998 sa buwan ng setyembre: 3;00 ng madaling araw    Awooooooooooo…. Aaaaaaawwoooooo…… Aaaaaaaawwwwoooooo………nagising ako alas tres ng madaling araw dahil sa malakas at pagaw na pagpalahaw ng isang aso sa hindi kalayuang bahay. ilang saglit pa at;Aaawooooooo….. Aaawwwooooo………… muling pag-alulong ng isa pang aso, makaraan ang ilang segundo at hayan nanaman ang isa pang nakakabinging atungal ng ikatlong aso. sunod sunod ang pag alulong ng mga ito, iyon ang unang napansin ng nabulabog kong isip mula sa mahimbing na pagkakatulog. Maya maya pa ay aso na ng kapitbahay namin ang lumikha ng isang nakakakilabot  at ubod na lakas na atungal. Ang atungal na iyon ang nagpatindig sa aking mga balahibo sapagkat aso naman namin ang sumunod na umatungal. Ang malakas at sabay sabay na pag-atungal ng tatlo naming aso ay hindi ko kinaya at nagtulak sa akin na pumikit na lamang.    Noong umaga ding iyon ay ikinuwento ko sa aking mga kapatid at magulang ang sunod-sunod na pagpalahaw ng mga aso sa aming lugar. subalit buong pamilya ko ay gising din pala at nakikinig nung gabing iyon. lumipas  ang isang linggo, at ganoon pa rin ang asal ng aming mga alagang aso pagsapit ng madaling araw.     Isang umaga, ginising ako ng ingay ng mga kapatid ko na nag uunahan sa paglabas ng bahay para makiusyoso. nakisali ako sa kanila at napagtanto kong ang kapitbahay naming si mang Allan ay natagpuang nakabikti sa sariling bahay. (ang bahay na may markang 2 sa aking sketch ang bahay ni mang Allan.)    nagpatuloy parin ang walang humpay na pag-atungal ng mga aso sa aming subdibisyon tuwing sasapit ang madaling araw. Makalipas lamang ang ilang linggo ay nasundan ang pagkamatay ni mang Allan. ang tatay ng matalik kong kaibigan ay inatake sa puso,.(bahay na may markang 3).    noon din ay nabahala na ang lahat ng naninirahan sa aming lugar. Agad nagpatawag ng isang meeting ang isa sa may bahay. isa sa mga napag-usapan ay ang sunod sunod na pag-alulong ng mga aso tuwing madaling araw. isang maybahay ang nagsabi na ang pag-alulong daw ng aso ay nangangahulugan ng kamatayan. malakas daw ang pakiramdam ng mga aso kung kaya nararamdaman nito kung may papanaw. at dahil dun napagkasunduan na magkakaroon ng isang Linggong pagbabantay ng mga kalalakihan sa subdibisyon at agad babarilin ang anumang asong aatungal.    Madaming aso ang namatay, kabilang na doon ang dalawa naming alaga. naging matahimik din ng ilang  araw ang aming lugar, inakala naming  tapos na ang lahat. ngunit, hindi pa pala.    Buwan ng Nobyembre: 12;00 ng tanghali, kasalukuyang nasa hapagkainan kami noon at matahimik na kumakain ng tanghalian  ng biglang lumikha ng isang nakakabinging pagpalahaw ang aming kaisa-isahang asong si Fluke. paulit- ulit at ubod ng lakas at gumagaralgal na din ang boses nito sa pag-alulong, nakita namin itong nasa likuran ng aming bahay, sa may palayan. at paikot-ikot ito na tila ba hindi mapakali, hawak na ni papa ang baril para patayin na ang hayop nang biglang dumating ang ilan naming kapitbahay na may dala na ding shotgun upang panoorin ang kakatwang ikinikilos ng aso. kalahating oras din namin itong pinanood at hinding hindi ko makakalimutan ang sinabi ng isa naming kapitbahay sa aking ama na “Pare, ingat ka mukhang ikaw na ang susunod…” . BOOOOOOOM!!!!! bagsak si Fluke sa unang kalabit pa lang ni papa ng baril.    Noong araw ding iyon ay may ilang pamilya na ang nagdadalawang-isip kung mananatili pa rin ba sila sa subdibisyon. Napansin ng lahat na puro mga ama ng tahanan ang binabawian ng buhay tuwing may asong aalulong. maging si papa ay nagbabalak na ring humanap ng mapagbebentahan ng aming bahay.    isang gabi, nagulantang ang lahat dahil sa sabay sabay na pag-atungal ng ilang aso. Ang buong pamilya namin ay kinabahan. hindi namin inaasahan na matapos halos ubusin ang lahat ng alagang aso sa subdibisyon ay may ilan pa ring asong pagala-gala na dadayo upang kami’y awitan ng atungal ng kamatayan.    ang insidenteng iyon ay sinundan ng pagpanaw ng isa pang padre de pamilya, ang matalik na kabigan ni papa, kapitbahay din namin dahil sa sakit na diabetes. (bahay 4). sinundan ito ng isa pang padre de pamilya na ang sanhi naman ay bangungot(sa bahay 5). sumunod ay ang anak na lalaking sanggol ng isang kapitbahay dahil sa malubhang lagnat(sa bahay 4 uli).    Isang araw, may anonymous caller na tumawag sa mama ko habang siya ay nasa opisina.mama: hello? sino ito?Caller: hindi na po ako magpapakilala mam. nabalitaan ko po ang nangyari sa inyo pong lugar. iyon po yung tinatawag na parade.Mama:, magpakilala ka sa akin, paano ako maniniwala sa iyo hindi naman kita kilala.Caller: Mam kayo po ang tinawagan ko dahil naniniwala po ako na may nakabalot na sumpa sa inyong subdibisyon. Iyan ay isang dating kagubatan kung saan nagtitipon ang mga kaluluwa ng pumanaw upang maglakbay patungo sa kabilang daigdig. Tuwing madaling araw, nagmamartsa ang mga kaluluwa sa inyong subdibisyon kung kaya’t hindi mapigilan ng bawa’t aso ang umalulong. Ang pagkamatay ng mga kalalakihan sa inyong lugar ay dahil sa pagsundo sa kanilang kaluluwa ng mga masasamang espiritu na nagdaraan. Ipinapayo ko po na pabasbasan ninyo ang buong subdibisyon upang maitaboy ang mga kaluluwa at hindi na sila magparada doon.              ————————naputol ang tawag at hidi man lang nakilala ni mama ang kanyang caller. sinunod iyon ni mama.    noon din ay natapos ang pagkuha sa buhay ng mga tao sa Dapi Subdivision, nawala na din ang mga asong walang pasubaling umaatungal sa dilimnaging matahimik ang lahat.    nadiskubre namin na sa di kalayuan , sa pinakadulo ng sudibisyon ay may isang bahay na hindi tapos. apat na haligi pa lang ang nandoon. napag alaman namin na iyon pala ang kauna- unahang gusali na itinayo sa lugar. at ang bahay na iyon ay pagmamay-ari ng isang lalaking siya rin mismong may-ari ng subdibisyon. hindi natapos ang pagpapagawa sa bahay sapagkat binawian ng buhay ang lalaki dahil sa sakit.     Ang mga atungal nga kaya ng mga aso noon ay normal lamang o baka naman dahil sa nakikita nilang parada ng mga kaluluwang pagala-gala sa aming subdibisyon?………                        wakas

sinampalukang mangyan

Marso 26, 2008

Sinampalukang Mangyan

 

Ang kuwentong ito ay hango ay tunay na pangyayari sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro. Sa bayang ito, nakasanayan ng mga katutubong Mangyan ang bumaba sa kapatagan tuwing buwan ng Disyembre upang makipamasko sa mga tao. Ang ilan sa kanila ay nagdadala ng mga orkidyas, luya, mga hinabing banig at duyang yari sa rattan upang ipagbenta sa palengke. Ang karamihan naman ay nagtutungo sa mga simbahan at iba pang mataong lugar upang mamalimos at humingi ng papasko tulad ng pera, pagkain, mga lumang damit at iba pa..

 

Taong 1997, sinalanta ng El Niño ang buong Pilipinas at ang matinding tagtuyot ay naging dahilan upang bumaba ang produksyon ng bigas sa maraming nagsasakang rehiyon. Ang bayan ng Naujan ay isa sa mga tinamaan ng tag-gutom ng taong iyon. Walang pera ang mga tao sapagkat pagsasaka ang pangunahing kabuhayan ng bayan. Maging ang pag-aalaga ng hayop tulad ng baka at kabayo ay naapektuhan.

 

Disyembre ng 1997 nang muling bumaba sa kapatagan ang mga katutubong Mangyan subalit walang paskong naghihintay sa kanila. Nagtitipid ang karamihan ng tao sa Naujan kung kaya’t bihirang maabutan ng pera, pagkain o iba pang tulong ang mga katutubo.

 

Si Mang Jun Masangkay ay isang kawani sa munisipyo ng Naujan. Sa tabi ng kanyang bakuran ay may isang bakanteng lote na natatamnan ng mga puno ng sampalok. Sa lilim ng mga punong ito ay pinili ng isang mag-asawang Mangyan na pansamantalang manirahan habang sila ay namamalimos sa bayan.

 

Magiliw naman si Mang Jun sa mga katutubo subalit hindi niya magawang maabutan man lang ng pagkain o konting salapi ang mag-asawang Mangyan sapagkat siya man ay nagtitipid rin. Tanging mga lumang damit at kumot na panlaban sa ginaw ang kanyang naibigay.

 

“Paumanhin na muna ha, wala akong pera ngayon at taghirap ang lahat. Eto lamang mga pinaglumaang damit ang maibibigay ko sa inyo,” wika ni Mang Jun sa mag-asawang Mangyan.

 

Napansin niyang namumutla na rin sa matinding gutom ang mag-asawa sapagkat mahigit isang linggo na ring naglilibot ang mga ito sa bayan at nanghihingi ng mga pamasko subalit wala halos natatanggap anuman. Higit pang naantig ang damdamin niya ng mapansing may dalang sanggol ang mag-asawa.

 

“Aba’y ilang buwan na ho ba ang sanggol na iyan?” naitanong ni Mang Jun sa dalawa.

 

“Mag-aapat na manong, eto nga at nagkasakit na, konti lamang ang gatas ng kanyang inang.” Ang impit na sagot ng lalakeng Mangyan na halatang nahihirapang mag-Tagalog.

 

“Eh hindi ho kasi kumakain ng ayos kaya konti lamang ang gatas na kayang ipasuso ng asawa ninyo. Bakit ho kasi hindi pa kayo bumalik ng bundok at baka doon ay mas maganda ang buhay kesa dito?” muling tanong ni Mang Jun.

 

“Wala din pagkain doon ngayon, hindi tumutubo ang mga kamote sa kaingin. Isa pa’y maraming sundalo ngayon sa bundok kaya dito muna kami sa patag,” pagtatapat ng Mangyan na halatang takot sa mga sundalo.

 

Lumipas ang isang linggo at nalalapit na rin ang Pasko. Hindi pa rin umaalis ang mga Mangyan sa bayan at maging ang mag-asawang Mangyan na nakausap ni Mang Jun ay doon pa rin nakatira sa bakanteng lote sa lilim ng mga puno ng sampalok.

 

“Tsk, tsk, tsk, nakakaawa naman ang mag-asawang ito. May dala pa namang sanggol. Magkakasakit ang bata kapag hindi agad sila natulungan,” naibulong ni Mang Jun sa sarili minsang mapansin niyang namumulot ng mga nalaglag na bunga  ng sampalok ang mag-asawa upang kainin.

 

Kahit gipit din sa pera ay minabuti niyang mag-abot na rin sa mag-asawa ng isang kalderong kanin at dalawang nilagang itlog upang may makain ang mga ito. Galak na galak naman ang dalawa sa kanyang pagmamagandang-loob. Masaya man si Mang Jun sapagkat nakatulong, patuloy pa rin siyang nalulungkot dahil sa kawalang-katiyakan  ng buhay ng mag-asawa.

 

Matuling lumipas ang mga araw, sumapit din ang ika-dalawampu’t apat ng Disyembre. Kinabukasan na ang araw na pinakahihintay ng lahat at kadalasan ay abala na ang mga tao sa pagluluto sa araw na iyon. Subalit sa bayan ng Naujan ay matamlay ang araw at wala halos mapapansing naghahanda para sa pagdiriwang. Damang-dama ang kahirapan sa paligid. Maging si Mang Jun ay hindi na naisipan pang magluto ng espesyal na pagkain sapagkat hindi pa dumadating ang kanyang sweldo.

 

Nakaupo si Mang Jun sa loob ng kanyang bahay ng marinig niyang may tumatawag sa kanya mula sa labas. Nang kanyang dungawin ay tumambad sa kanya ang mag-asawang Mangyan.  Halatang gutom na gutom ang dalawa at mapapansin na higit pang nangayayat ang kanilang mga katawan. Impis ang mukha ng lalake at lalo pang nagmukhang matanda sa kanyang edad. Ang babae naman ay nanginginig ang kamay habang yakap ang alagang sanggol, malalim na rin ang mga mata nito at tila nawalan na ng kulay. Ang sanggol naman ay walang patid sa pag-iyak, marahil ay bunga ng gutom na dinaranas.

 

“Ano ho ang kailangan nila?” tanong ni Mang Jun sa mag-asawa.

 

“ Ay manong, maaari bagang mahiram muna ang iyong kaserola. Kami lamang ay magluluto ng pagkain.” Sagot ng lalakeng Mangyan.

 

Napangiti naman si Mang Jun sa hiniling ng katutubo. “Sige ho, pakihintay lang. Mabuti naman at may makakain kayo ngayong Pasko.”

 

Hindi naman sumagot ang mag-asawa at sa tingin ni Mang Jun ay lalo pang lumamlam ang mata ng dalawa ng mabanggit niya ang salitang pagkain.

 

“Eto ho, maligayang Pasko sa inyong dalawa,” nakangiting iniabot ni Mang Jun ang kaserola.

 

Kinabukasan ay araw ng Pasko. Maraming tao ang nagtungo sa simbahan upang magsimba. Ang mga katutubong Mangyan naman ay nag-aabang sa labas ng simbahan upang mamalimos at mamasko sa mga dumaraang tao.

 

Si Mang Jun ay kakatapos lamang magsimba, pauwi na siya nang mapadaan sa bakanteng lote sa tabi ng kanyang bahay. Doon ay nakita niya ang kaserola na hiniram ng mag-asawang Mangyan noong nakaraang araw.

 

“Wala ang mag-asawa, baka nagpunta ng simbahan para mamalimos,” naibulong niya.

 

“Naku, iniwan na ang kaserola dito, baka mapulot pa ng iba at nakawin. Mabuti pa ay iuwi ko na lamang, hindi na naman yata nila gagamitin.”

 

Pinulot ni Mang Jun ang kaserola nang mapansing mabigat pa ito at may laman sa loob.

 

“Aba, may laman pa. Ano kaya ang iniluto ng mag-asawang Mangyan kagabi?”

 

 Tinanggal niya ang takip upang tingnan ang loob ng kaserola subalit hindi niya inaasahan ang kanyang nakita. Namutla at pinagpawisan ng malamig ang buong katawan ni Mang Jun. Sa kaserola ay lumulutang sa pinakuluang tubig ang braso ng isang sanggol.

 

“Diyos ko! Iniluto ng mag-asawang Mangyan ang sarili nilang anak! Ang sanggol ang kanilang kinain!”

 

Kulubot pa ang balat ng braso habang palutang-lutang ito sa loob ng kaserola. Kasama ng braso ang ilang piraso ng daliri ng bata at ilang piraso ng laman.  Nilahukan pa ito ng mga bunga ng sampalok bilang pampalasa.

 

Hindi nakayanan ni Mang Jun ang kanyang nakita. Bumaligtad ang kanyang sikmura at naitapon niya ang hawak na kaserola. Agad siyang tumakbo sa isang malapit na presinto upang magsumbong sa mga pulis.

 

Nang araw ding iyon ay dinakip ng mga pulis ang mag-asawang Mangyan. Nagkagulo ang buong bayan ng Naujan at halos lahat ay gustong maki-usyoso sa nangyari. Napailing na lamang si Mang Jun.

 

“Kung kelan pa nakakulong na ang dalawang Mangyan tsaka ninyo sila pagkakaguluhan, samantalang noong nangangailangan sila ng tulong ay hindi nyo man lang sila pinansin,” naibulong niya sa sarili habang pinapanood ang mga nakiki-usyosong mga tao. Bagamat nagigimbal pa rin sa kanyang natuklasan, nakakaramdam pa rin ng awa si Mang Jun sa mag-asawang Mangyan sapagkat alam niya ang pinagdaanang hirap at gutom ng dalawa.

 

Nang tanungin ng mga pulis, humagulhol ng iyak ang lalakeng Mangyan.

 

“Mamatay din lang naman manong ang anak namin sa gutom, kaya namin iyon nagawa. Naaawa na rin kami sa paghihirap niya.  Siya na lamang ang iniluto namin at baka mailigtas pa namin ang aming  sarili dahil kami po ay isang linggo nang hindi kumakain,” pagtatapat ng Mangyan sa pagitan ng mga paghikbi.

 

Magpahanggang-ngayon ay nakakulong pa rin sa bayan ng Naujan ang mag-asawang Mangyan. Nakalimutan na ng ilan ang kuwentong ito subalit para kay Mang Jun, ang nangyari ay isang aral ng pakikipagkapwa. Ngayon ay naniniwala siyang kailangang tulungan ang sinumang nangangailangan ano man ang katayuan sa buhay o gaano man kabigat ang pagtulong na gagawin.

 

                                                            Wakas

Hello world!

Pebrero 25, 2008

Welcome to WordPress.com. This is your first post. Edit or delete it and start blogging!